Posted by Rem
Sa paningin ko, hindi na natuturing na balita ang trapik sa mga tila-malalawak na kalsada ng Kamaynilaan. Sabi nga ni Kuya Jov, ang paborito kong takatak boy sa Quezon Avenue, mas matakot ka pag hindi trapik, ibig sabihin may masamang nangyayari o kaya katapusan na ng mundo. Tulad ng madaming tao, hindi ko na siguro mabibilang kung ilang beses nakong nahuli sa trabaho o eskwela dahil nagkabuhol-buhol ang lahat ng bagay na may gulong – kotse, taxi, jeep, bus, trak, motorsiklo, bike at wheelchair – sa (ilagay ang pangalan ng kalsada). Nag-iiba lang ang lugar, pero pareho-pareho parin ang dahilan.
Ngunit isang gabi sa C-5, nagbago ang isip ko tungkol sa trapik – newsworthy pa din naman pala ito kahit papano. Linggo ng gabi noon, kagagaling lang naming Laguna at panatag ang loob ng lahat na maluluwag na kalsada ang sasalubong sa amin pagkalabas ng South Luzon Expressway. Sampung minuto matapos makalaya sa SLEX, dagat ng pulang ilaw ang sumalubong samin. Trapik, hindi gumagalaw ang mga sasakyan, yung ibang motorista nagpatay na nga ng makina. “Puñeta trapik, may pasok pako bukas!” bulalas ni Nicky na nakaupo sa passenger seat.
“Sa panulakan ng C-5 road, nakaistambay at hindi makagalaw ang mga sasakyan dahil sa mga puganteng baboy na nakawala sa trak na magdadala dapat sa kanila sa kanilang huling hantungan…” sabi ng announcer sa radyo na halatang nagpipigil humalakhak.
“Stir!” sabi ni Chris ang designated driver nung gabing yun habang kinakalkula ang tapak sa clutch at silinyador. “Tara tsong, tignan natin kung bakit trapik” yaya sakin ng katabi kong si Eya. Binuksan namin ang pinto at sinimulan na ang paglakad. Napansin naming madami ding kapwa na-trapik ang naglalakad para maki-usyoso. Habang naglalakad, nagpustahan pa kame: singkwenta pesos sa kanya pag walang baboy, singkwenta pesos sakin pag may baboy sa C-5.
Umuwi ako ng gabing yun na may nakakimkim na singkwenta sa aking bulsa, tama ang announcer sa radyo, baboy nga ang dahilan ng trapik.
Sa nakita namin, pumutok ang dalawang gulong sa likod ng trak na may bitbit na kulang-kulang isang dosenang baboy. Nakabalandra ang trak, tatlong lane ang nasakop. Ang driver ng trak, pawis na pawis sa pagkukumpuni ng sugatang sasakyan, samantalang ang kanyang dalawang pahinante ay abalang hinahabol ang tatlong malalaking baboy na nagkalat sa C-5. Sa lakas kasi ng bagsak ng kaha ng trak, nasira ang nakakandadong pintuan ng koral. Tatlong baboy ang nakatalon bago ito naagapan.
Yung dalawang mas malaking baboy ay nakatayo lang sa C-5 na tila nag-aayang makipag-patintero sa mga motorista. O kaya pwede din na sa isip-isip nila, “Ha, revenge is sweet! Kinain niyo yung family and friends ko ha, tangina niyo ma-trapik kayo, bwahahahaha!”
Yung isang mas maliit na baboy naman, mas madulas at mas tuso, tumakbo siya sa kabilang kalsada ng C-5 na papasok ng SLEX at doon nagmuni-muni. Muntik na siyang mabangga ng isang magarang Honda City, buti nalang nakapreno ang driver. Malas nga lang niya kasi ang FX sa likod niya ay hindi nakahinto at nawasak ang bumper niya.
Nabangga na ako ng ganito, sa Commonwealth Avenue, at ang una kong reaksyon ay galit. Pero ang driver ng dalawang nagkabanggaang sasakyan ay kakaiba ang mga emosyon: nagtawanan sila. Sa bagay nakakatawa naman talaga dahil isang kakaibang bagay ang nangyari sa kanila – Ilang driver lang ba ang makakapagsabi na nabangga siya sa highway dahil pinrenuhan niya ang isang malaking baboy?
Trenta minutos ding nakipaghabulan ang mga pagod na pagod na pahinante sa tatlong puganteng baboy. Sa trenta minutos na iyon, parang naging mini-coliseum ang C-5, may mga taong kampi sa Team Baboy at meron ding kampi sa Team Pahinante. Nagchi-cheer pa nga ang iba. Sumuko ang driver ng trak sa pagkukumpuni at hinihintay nalang na dumating ang wrecker ng MMDA. Mahigit isang oras din ang nilagi namen sa C-5 bago naging normal ang daloy ng trapiko.
Ang mga baboy na pansamantalang nakawala sa koral nung gabing iyon ay malamang nakatay at nakain na, matagal na din kasi ito. Pero hanggang ngayon, pag natratrapik ako, naalala ko pa din ang mga baboy sa C-5. Hindi inis ang nararamdaman ko pag naaalala ko sila, sa totoo lang, natutuwa parin ako, kasi kung baboy nga nakakagawa ng paraan upang makalaya mula sa kanilang mga koral, tao pa kaya?






