
Umuulan nanaman. Parang may inang humahagulgol para sa mga nawala nyang anak. Malakas, maingay, at hindi matahan. Kung tutuusin, kung iiyakan ng Inang Kalikasan ang kanyang mga anak na puno, siguro kinain na ng dagat ng Pilipinas.
Hindi napapakiusapan ang ulan. Hindi napapakiusapan ang bagyo. Hindi natin pwedeng sabihin na, “Teka lang po, hindi pa kami handa,” o “Lubog pa po ang bahay namin, pwede bang sa susunod na linggo ka na lang bumisita?” Wala ding makakapagsabi kung saan ba talaga dadaan ang bagyo, madaling magbago ang isip at madaling magbago ang ihip ng hangin. Sa isang iglap lang, pwedeng lumakas ito at yanigin ang mga bundok na nakalbo na.
Hindi din kaya ng bundok na pigilan ang lupa nito mula sa pagguho. Wala nang mga ugat na dati’y nakakapit sa lupa at nagpapatatag dito. Ang mahirap dun, ang tubig nalalanguyan. Walang nakakalangoy sa lupa.
Kanino mo ibabaling ang sisi? Wag na muna tayong magturuan, kasi lahat tayo may kasalanan. Hindi ka nga illegal logger, alam ko, pero ano bang ginawa mo para pigilan ang illegal logging? Naisipan mo na bang magresiklo ng papel? Naisipan mo bang magpetisyon sa mayor mo na wag payagan ang mga nagsusulputang subdivision sa gilid ng bundok?
Hindi lahat ng logging, illegal. Tanungin mo na lang ang mga iyong friendly neighborhood developers. Gusto mo ng bahay sa Antipolo? Ay teka, magtutumba kami ng ilang puno para magkaroon ng espasyo. Sa ekonomiks, ang kahit ano pang Demand ay may gagawa ng paraan para magkaroon ng Supply. Mas malakas ang tawag ng pera, mas madaming magsusupply.
Kung binabaha ka nga ba naman ng pera, iisipin mo pa ba kung anong mangyayari kung umapaw ang tubig at gumuho ang lupa?
Umuulan naman. Umiiyak ang langit, naghihinagpis at humihikbi sa lungkot. Malungkot isipin na di pa nakakabawi ang ibang mga kababayan natin sa lagim na hinasik ni Ondoy, andito’t kumakatok na sa pinto si Pepeng. Pero mas malungkot isipin na di na tayo natuto.






