Kapit-kamay tayong dalawa…


Sa panulat ni Voltz

Ito sana ang ideal na tagpong pampelikula: dapit-hapon sa dalampasigan, walang maririnig kundi ang huni ng mga ibon at paghampas ng mga alon. Holding hands while walking. Holding hands habang nagbubulungan kayo ng iniirog mo ng mga sweet nothings.

Kaso, eto ang tagpo na nangyari: tanghaling tapat sa kalye, pawisan at hinihingal, hiyawan at mabibigat na mga yabag ang maririnig. Sa isip ko, paulit-ulit rin akong humihiyaw; “Shet! Putang ina! Shet! Putang ina! Shet! Shet! Putang ina!” Holding hands while running. Takbo!

Tangan namin ang kamay ng isa’t isa. Tinalunton namin ang isang kalyeng katamtaman ang lapad para makaiwas sa mga humahabol sa amin. Hindi ko na matandaan ang pangalan ng kalyeng iyon. Patuloy ako sa paglingap sa paligid. Pinagtitinginan kami ng mga vendors sa bangketa. Waring nagulat sila at sa mga mata nila’y mababasa mo ang mga katanungang; “Ano kaya ang nangyayari?”

Kanina lang ay abot tanaw na namin ang Mendiola hanggang sa nagkagulo. Nabuwag ang compo at nahiwalay kami sa bulto. Patuloy naming tinatangka na makatungtong sa Mendiola mula ng dineklara ni Gloria ang kanyang “calibrated preemptive response” (CPR).

Nagsimula kaming mag-assembly sa Morayta. Mabilisang pag-aayos lang ng hanay ng bulto at compo. Gaya ng dati, nasa compo kami. tungkulin namin na protektahan ang bulto. Sa ideal ay kami ang first at last line of defense ng bulto.

Sinimulan namin ang martsa at tinugaygay namin ang kalye patungong Recto at pagkaraan ay kumaliwa kami pa-Mendiola. Parang nakakapanibago. Nung mga nakaraang araw ay sa Morayta pa lang ay naglipana na ang mga pulis pero ngayon ay halos wala. Lunch break? Baka nga.

Nagpatuloy kami sa pagmartsa ng mabilis. Natatanaw na namin ang mga barbwire na nakabalandra sa Mendiola. Nagbigay iyon ng ibayong tuwa sa amin. Ilang kanto na lang, ayan na ang Mendiola. Hanggang sa biglang nagsisulputan ang mga antiriot police na tila namumuwalan pa ang ilan. Nakatambay lang pala sila sa gilid. Nagulat sila sa amin. Agad nilang itinigil ang pagkain, tumayo sa pagkakaupo, inabot ang kanilang mga truncheon at mga bakal na shield. Pero hindi sila nakapaghanda. Iilan lang sila. May pagkakataon kami para marating ang Mendiola.

Unang humarang sa amin ang tatlong pulis. Sa dami namin ay napilitan silang tumabi. Bumilis pa lalo ang martsa. Halos tumatakbo na kami. Napuno ang paligid ng mga hiyawan ng mga kabataan at estudyante. “Papet, pasista, pahirap sa masa! Patalsikin si Gloria!” Yumayanig ang kalsada sa mga yabag ng ilang daang pares ng mga sapatos at tsinelas. “Ayan na, ayan na, ayan na ang sambayanan!”

Ilang mga hakbang pa ay hinarang na naman kami. Limang pulis. Agad hinawakan ng ilan sa mga kasama namin sa compo ang mga shield na gamit ng pulis upang hindi ito maihampas sa amin. Bahagyang nagkaroon ng tulakan. Habang nagkakaroon ng komosyon, umabante na kami. Inakala namin na kasunod namin ang bulto pero hindi pala. Habang tumatagos kami sa hanay ng mga pulis, naiwan pala ang bulto sa likuran kasama ang manipis na hanay ng compo. Walang sumunod sa amin. Nagkaroon marahil ng miskomunikasyon.

Napagitna ang mga pulis sa compo at sa bulto. Lumingon ako sa likuran, nakapag-ayos na rin ng hanay ang mga pulis. Mukang nakahingi na rin sila ng mga reinforcement. Sa harapan namin, paparating na ang ilan pang mga pulis. Hindi kami maaaring umatras para muling samahan ang bulto dahil mga pulis na rin ang mga nasa likuran namin. Hindi na rin kami maaaring umabante pa. Tiyak na matitimbog kami kapag ginawa namin iyon. Napilitan kami na tumakbo sa isang kanto sa aming kaliwa. Hinahabol kami ng mga galit na galit na mga pulis. Gulpi tiyak ang kakahinatnan namin kapag inabutan kami. Takbo!

Sa isang iglap, naramdaman ko ang pakiramdam ng isang snatcher. Hindi naman kami ang magnanakaw pero kami ang hinahabol ng mga pulis.

Napansin ko na bumabagal ang takbo ng ka-buddy ko. “Hindi ako makahinga.” sabi niya. Inaatake na yata siya ng hika. Hindi ko siya iiwan. Walang iwanan, mahuli na kaming pareho kung mahuhuli. Pero siyempre, ayaw naman naming mahuli. Hassle iyon at sakit ng katawan. Nagkatinginan kami. Hindi ko na matandaan kung siya ang umabot ng kamay ko o kung ako ang umabot ng kamay niya. Hindi na mahalaga iyon.

Kapit-kamay naming tinakbuhan ang mga pulis. Pinagtitinginan kami ng bawat madaanan namin. Sinundan lang namin ang mga kasama naming tumatakbo sa aming unahan. Nakailang liko kami hanggang matanaw ko ang lumang building ng UE (University of the East) na malapit sa likuran ng FEU (Far Eastern University). Makikita sa mga mata ng mga estudyante ng UE ang pagtataka kung bakit kami nagsisitakbo.

Ilang hakbang pa, nasa likod na kami ng FEU. Naroon na rin ang bulto. May nakikipagnegosasyon na rin sa mga pulis. Mukang dito na kami magpro-programa. Inalalayan ko ang ka-buddy ko sa bulto para matingnan at mabigyan ng first aid. Iniupo ko siya sa bangketa para makapagpahinga at maginhawaan. Kailangan ko nang bumalik sa harapan.

“Paano, iwanan na muna kita rito ha? Babalik na ako sa compo.” sabi ko. “Maraming salamat, pare.” sagot ni Anton.

2 people like this post.







Related Posts

We will keep You Updated...
Sign up to receive breaking news
as well as receive other site updates!
Sponsors

Archives

free counters

Lifestyle Blogs - BlogCatalog Blog Directory

Entertainment & Lifestyle - Top Blogs PhilippinesBlog Directory for the Philippines

Young Underpaid Professionals | YuppieUniverse.com at Facebook

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.

Recent Comments
yah! the story is very nice.. i can't stop watching it over and over again.. for me its the best Asian drama that i have seen.. the
Well, I am late to the party pero okay lang. A year after, this series is still good and still capturing fans all over.
yes, the ending is so unsatisfying. but im glad it's len though. i heard that there will be a side story, is it true? how about sea
Sadly, it is. When this chapter came out, I didn't think it was the last one, simply because it was a bit boring. :| According to
is this the last chapter?
Tag Cloud