Guniguni mo lang yun, ungas




FICTION posted by Rio

Alam mo, naka mahigit sampung ulit na ata ako sa pagsusulat nito. Dun sa isang sulat, namutaktak ng salitang tanga. Dun naman sa isa, puro bwiset.

Bakit nga ba kita naisipang sulatan? Naalala lang kita at naisip kong marami-rami na rin akong naipong mga sasabihin sa’yo. At dahil hinding-hindi mo ‘to maririnig sa kin out loud, idadaan ko na lang sa sulat na walang address.

Tapang no? Pagdating sa mga bagay na to, duwag din ako no. Nagawa ko na naman dati ang emotional suicide at dahil alam kong di masaya yun–kung maiiwasan–iiwasan ko na talaga. Kaya eto, sisimulan at tatapusin ko na tong katangahang ito sa sulat na to.

Alam mo, pag naiisip kita at emotional suicide sa iisang sentence, natatawa ako. Kasi naman, para akong nabudol budol. Nananahimik ako (malamang, ikaw din), tapos boom! Napagtripan nanaman ako ni Miss Cosmos. Hindi ko alam kung pano at kung kelan nangyari, pero andun yung matinding feeling na ninakawan mo ako. Isama mo na din yung feeling na ang tanga-tanga ko.

Siguro naman gets mo na yung sinasabi ko di ba? Sana, oo. Kasi napansin na ata ng buong mundo na may gusto ako sa’yo, di mo pa din alam. Susunugin na nga ata ako sa impyerno kakadeny eh. Isipin mo naman kasi, ano bang mangyayari kung aamin ako sa’yo? Wala di ba? Siguro iiwasan mo ako ng ilang taon, eh di nawalan pa ako ng kaibigan nun. O kaya, parang wala lang sa ‘yo. Kung ganun nga siguro, para akong tumalon galing sa second floor ng building. Wasak, pero buhay pa rin.

Oo, under normal circumstances, alam mo ang sasabihin ko: Wala namang mawawala. Pero sa sitwasyong to, ayokong tumaya. Dahil alam kong talong talo na ko bago pa magbalasa ng baraha.

Kung tutuusin, para nga akong may cancer (cancer ng katangahan), kasi may mga oras naman na akala ko okay na ako. Hindi ko alam, remission lang pala yun. Akalain mo yun, recurring ang katangahang to.

May seryoso (at korny) akong tanong, hindi mo ba talaga naramdaman? Taon na rin kasi ang binibilang ng katangahang to eh. Kung sabagay, di rin naman siguro ako ganun kaobvious – sa ’yo. Di mo siguro napansing nagseselos sa ’yo dati yung ex ko. Di mo rin napansing kahit anong oras mo ako itext or tawagan, go ako. Di ko rin makuhang magalit sa ’yo at isama na natin yung “Please” mong di ko mahindian.

Sabi mo nga sakin, masyado akong mabait at masyado akong mabuting kaibigan. Natawa ako nun, kasi kung may saltak ako sa utak, umamin na ako dati pa at gumulo na ang buhay nating pareho. Minsan nga samahan mo ako. Hahanapin ko lang yung nagsabi na masarap ma-in love. Kukutusan ko lang sya at sasabihing, “HINDI PALAGI.”

Hay. Pag nabasa mo to at pumasok na isip mong para sa ‘yo tong sulat na to, do me a favor, will you? Isipin mo: ‘Hindi ako yun.’ Kung maisipan mong lumapit sakin isang araw at tanungin kung ikaw nga, alam na nating dalawa ang sasabihin ko. “Guniguni mo lang yun, ungas.”



Bookmark and Share
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can skip to the end and leave a response. Pinging is currently not allowed.
Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>